Larawan mula sa Pinoy History FB page
PARA kay Secretary Vince Dizon, hindi angkop na opisyales at kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mag-iimbestiga sa mga irregularidad ng mga kasamahan sa trabaho.
Sa isang direktiba, tuluyang nilansag ni Dizon ang task force na nilikha ni former DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Ayon kay Dizon, hindi magandang tingnan na imbestigahan ng task force ang sarili kaya nagpasya siyang buwagin ito nitong Martes.
“With all due respect sa mga opisyal na nagbuo ng task force, hindi po ako naniniwala na ang organisasyon eh dapat, eh puwedeng imbestigahan ang sarili niya, hindi po tama yon” ani Dizon.
Aniya, ipauubaya ng ahensya ang pag-iimbestiga sa katiwalian sa likod ng mga DPWH flood control projects sa independent commission na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr,
Tiniyak din ng Kalihim na makikipagtulungan ang DPWH sa imbestigasyon ng independent commission, kasabay ng pangakong isusumite sa Palasyo lahat ng dokumento at impormasyong nakalap ng binuwag na task force.
