HINDI pa man nag-iinit pwesto, agad na inatasan ng bagong talagang Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang lahat ng opisyales ng kagawaran magsumite ng “courtesy resignation” alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, asahan ang isang “top-to-bottom” reorganization ng ahensya. Kabilang sa mga pinagbibitiw sa pwesto ang lahat ng undersecretary, assistant secretary, division head, regional directors at district engineers.
Paliwanag ni Dizon, higit na mahalaga ang balasahan sa pagnanais linisin ang katiwalian sa naturang kagawaran.
“Ang unang-una kong order na ilalabas ay pag-order ng courtesy resignations top to bottom, ‘yan ang unang order na gustong palabas ng ating Pangulo,” ani Dizon.
Ayon kay Dizon, dadaan sa metikulong pagsusuri ang rekord ng mga pinagbibitiw na opisyal sa hangaring salain ang mga tiwali at karapat-dapat manatili.
