SA kabila ng sumambulat na anomalya sa likod ng mga pagawaing bayan, patuloy na gumagawa ng paraan ang mga kawatan sa pamahalaan.
Sa ginanap na briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson ang naispatang irregularidad sa panukalang P6.793 trillion 2026 national budget.
Aniya, nasa 500 flood control projects na nagkakahalaga ng higit sa P50 bilyon ang may magkaparehong alokasyon sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso noong nakaraang Hunyo.
Sa 2026 NEP, 373 budget entries para sa flood mitigation projects sa Metro Manila at Central Luzon ang pinondohan ng P100 milyon.
May mga budget entries din aniyang magkakapareho ang alokasyon sa P75 milyon, P120 milyon at P150 milyon.
Suspetsa ni Lacson, ilang miyembro ng Kamara ang nakipag-sabwatan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maisingit ang kanilang mga proyekto sa preparasyon ng NEP.
“If contractors have invaded the House of Representatives and congressmen have invaded the construction business, this will be the outcome,” patutsada ni Lacson.
Nangako naman si Budget Secretary Amenah Pangandaman na agad na makikipag-ugnayan ang kagawaran kay DPWH Secretary Vince Dizon para kanselahin ang mga tinukoy na proyekto.
Binanggit pa ni Pangandaman na anim na buwan nilang trinabaho ang 2026 NEP bago isinumite sa Kamara at Senado para paaprubahan. Hindi naman inako ng kalihim ang pagkakamali bagkus galit umano ito sa mga insertions sa NEP. (ESTONG REYES)
