MULING bumida ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos maglabas ng patutsada si Sen. Bong Go sa aniya’y kabiguan ng naturang ahensya gamitin ng wasto ang santambak na pondo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Health na dinaluhan ni Finance Secretary Ralph Recto, partikular na pinuntirya ni Go ang aniya’y iginaraheng P90 bilyong pondo na mas piniling ilipat sa national treasury kesa gamitin sa mga maralitang pasyenteng kinakaltasan ng buwang contribution.
Para kay Go, hindi katanggap-tanggap na pinatulog ng PhilHealth ang naturang pananalapi habang nagdurusa ang mga miyembro.
Sa gitna ng congressional inquiry, inamin ni Recto na meron pang P500-billion reserve fund ang PhilHealth na nakatakda na rin ilipat na national treasury.
Nakakalungkot lang ani Go na pinaniwala ng PhilHealth ang mga miyembro na kapos ang pondo ng ahensya, gayung labis-labis na pala ang pananalapi ng state insurer.
“Alam kong walang masamang intensyon ang ating gobyerno – partikular na sina Secretary Recto, (DBM) Secretary (Amenah) Pangandaman, (DOH) Secretary (Ted)Herbosa – gusto lang nilang makalikom ng pondo at magamit ang mga pondong ito na hindi nagagamit.”
Gayunpaman, nanindigan ang senador na mali pa rin pagkaitan ng PhilHealth ng angkop at mas malawak na health benefits ang mga miyembro.
“Legally, baka meron kayong magandang sagot o palusot. But morally? For me, this is unacceptable.”
Para kay Go, mas maigi kung ginamit na lang ng PhilHealth ang tinaguriang “excess funds” sa pagsasalba ng buhay. Kabilang sa mga aniya’y angkop na paglaanan ang dialysis treatment, mental health services, at Z-benefit packages para sa mga may malubhang karamdaman.
“Bakit kailangang ibalik ang PhP90 billion? Sapat ba o sobra sobra na ang pondo? Kung oo, bakit marami pa ring nagpapa-konsulta at takot magpatingin sa doktor? Bakit kulang pa rin ang benefit packages ng PhilHealth at may out-of-pocket pa rin ang mga pasyente? Bakit kailangan pa nilang bumunot? Yung iba nagsasangla ng kanilang mga gamit. Totoo po yan,” aniya pa.
“Bakit marami pang mga return-to-hospital na claims ng mga ospital? Bakit may mga ospital pa rin na hindi nababayaran ng PhilHealth?”
Ayon kay Go, malinaw naman na ang pondo ng PhilHealth ay para sa kalusugan at yun aniya mismo ang dapat tandaan ng pamunuan ng naturang ahensya ng pamahalaan.
“Ang pondong nakalaan para sa kalusugan ay dapat magamit para sa kalusugan tulad ng pantulong sa mga pasyente, pagsasaayos ng health facilities at pambayad sa mga utang sa health workers,” pagtatapos ng senador.
