
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN
DALAWANG araw bago maupo sa Palasyo ng Malakanyang, isang pulong ang namagitan sa hanay ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class 96 at 97 kasama si former President Rodrigo Duterte na naglatag ng tinaguriang Davao Template ng giyera kontra droga na ikinasa ng nakaraang administrasyon.
Ito ang lumutang sa nakaraang pagdinig ng House Quad Committee kung saan sinasabing Hunyo 28, 2016 nang maganap ang sinasabing ‘courtesy call’ ng PNPA class 96 at 97 sa ikalawang palapag ng gusaling okupado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao City.
Paniwala ng mga kongresista, ang naturang pagpupulong ang siyang naging daan para mabuo ang inilunsad ng Duterte administration na all-out campaign sa ilegal na droga sa bansa, na nagresulta ng libu-libong pagkamatay ng suspected drug personalities.
Partikular dito ang pagsunod o paggaya sa tinatawag na “Davao Template” o naging estratehiya ni Duterte na paglaban sa ilegal na droga noong panahon siya ang alkalde ng Davao City.
Bukod sa noo’y mauupong chief executive, nandoon din umano sa pagpupulong si dating Philippine National Police (PNP) chief at Senator Ronald dela Rosa.
Kapwa kinumpirma nina former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, na miyembro ng PNPA Class 97 at National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo, ng PNPA Class 96 ang pagharap nila kay Duterte subalit magkaiba ang kanilang pagkakaalala sa naging pangyayari noong araw na iyon.
Inamin ni Garma, na noo’y police colonel pa lang, pinag-usapan ang “Davao Template” subalit sinalungat naman ito ni Leonardo.
“May napag-usapan po but it’s not in-depth, it’s just passing, Mr. Chair,” saad pa ni Garma.
“Mr. Chair, di ko po ma-recall ‘yung Davao Template,” wika naman ni Leonardo.
“Ang alam ko, sir, lumabas po kami sa corridor. Then we met Sen. Bong Go during that time,” dagdag pa ng Napolcom official.
Nang tanungin si Col. Hector Grijaldo Jr., miyembro ng PNPA Class 1997 hinggil sa pulong, positibo ang kanyang tugon subalit itinanggi ang sinasabing pagtalakay ng Davao template.
Sa pagtatanong ni Antipolo City 2nd Dist. Rep. Romeo Acop, umamin si Garma na siya ang nag-organisa ng courtesy call ng PNPA alumni sa dating pangulo.
Sinabi naman ni Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, chairman ng House Public Accounts Committee na sa panahon ng nakaraang administrasyon, mayroong “pattern of violence” sa correctional facilities sa bansa,
Kabilang dito ang pagpatay sa tatlong suspected Chinese drug lords kung saan idinadawit sina Garma at Duterte, gayundin ang pamamaslang kay Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. sa loob ng Leyte jail at grenade blasts sa Parañaque jail kung saan 10 drug suspects ang nasawi.
Dagdag pa ng House panel head, hawak na nila ang records ng mga iba pang insidente ng pagpatay sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facilities, na nagpapatunay na dalawang karahasan sa giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.