
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA hangaring higit na makapaglingkod sa sambayanang Pilipino, pormal na naghain ng kandidatura para senador si si Agri partylist Rep. Wilbert “Manoy” T. Lee — ang kauna-unahan sa hanay ng mga aspirante sa naturang posisyon.
“Naniniwala po tayo na yung ating mga nasimulan sa Kongreso ay maipagpapatuloy at mas mapagbubuti pa natin sa Senado. Ito po ang layunin na makamit ang murang pagkain, tiyak na trabaho, sapat na kita, at mawalan ng pangamba ang mga Pilipino na magkasakit dahil sa takot na malubog sa utang at kahirapan,” pahayag ni Lee matapos na pormal na isumite ang kanyang Certificate of Candidacy sa Commission on Elections (Comelec).
“Maraming, maraming salamat po inyong patuloy na suporta. Napakalaking hamon po nitong ating pagtakbo. Pero tulad ng nakaraang dalawang taon, marami tayong napagtagumpayang laban na magkakasama, lalo na sa pagpapagaan sa pasanin ng ating mga kababayan, at paghahanap ng solusyon sa matatagal nang problema ng ating mga kababayan,” dagdag pa ng pambato ng partidong Aksyon Demokratiko na itinatag ng yumaong Senador Raul Roco.
Matapos nito ay tumuloy si Lee sa Senado para makipagkita sa kapwa niya Bicolano na si Senate President Francis “Chiz” Escudero in the Senate.
Sa kanilang pagpupulong, nagkaroon sila ng pagpapalitan ng adhikain partikular ang pagpapabuti sa mga benepisyong ibinibigay ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“Nagpapasalamat po ako sa ating kapwa Bicolano at Sorsoganon, Senate President Chiz Escudero, sa aming produktibong talakayan. Marami po tayong natutunan sa kanya, lalo na sa pagsusulong ng mahahalagang batas at programa para sa ating mga kababayan, lalo na sa mas nangangailangan,” saad ni Lee.
“Gusto po nating higit pang makatulong, lalo na sa mahihirap nating kababayan. Sila na hirap bumili ng pagkain. Hirap bumili ng gamot. Hirap magbayad sa ospital. Hirap sa pamasahe, baon at gamit sa eskwela. Hirap makakuha ng ayuda. Hirap makahanap ng hustisya o katarungan. Hirap sa buhay na nawawalan na ng pag-asang makaahon. Kailangan po natin ng lider na may takot sa Diyos, lalaban nang walang takot para sa lahat ng karapatan at deserve na serbisyo ng mga Pilipino.”
Kabayan humirit pa ng isa
Samantala, naungusan ng KABAYAN partylist ang iba pang grupo sa pagusumite sa poll body ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) para sa 2025 national and local elections.
Personal na inihain ni incumbent KABAYAN partylist Rep. Ron Salo ang kanilang CONA sa Tent City, Manila Hotel kahapon ng umaga – ang pinakaunang paghahain ng naturang dokumento para sa Day 1 ng itinakdang filing ng Comelec.
Ayon kay Salo, mananatiling nangunguna sa pagsusulong ng karapatan at pagpapabuti sa kabuhayan ng mga Pilipino, lalo na ang mga tinaguriang underprivileged ng KABAYAN partylist.
“The party’s core advocacies center around improving healthcare, providing affordable housing, promoting livelihood opportunities, enhancing quality of education, and advancing the welfare of overseas Filipino workers, including seafarers,” paglalahad ng mambabatas, na siya ring vice-chairperson ng House Committee on Government Reorganization.
Sa pagkakatalaga ng kanilang organisasyon sa Kamara, sinabi ni Salo na kabilang sa legislative achievement ng KABAYAN partylist ang pagsasabatas ng Universal Health Care Law, ang Department of Migrant Workers Act, Department of Housing, Philippine Salt Industry Development Act, at ang Magna Carta of Filipino Seafarers.
Para maipagpatuloy ang nasimulan ng kanilang party-list, kinilala niya ang mga nakahanay na nilang nominee, na sina Jewehl Gay Salo, Paul Hernandez, Patricia Gomez, Noemie Bustamante, Crisaldo Natividad, Benito Lacaden, Fernando Elesio, Harlim De La Mance, Melchor Villegas, at Jennis Nidea, na pawang sumasang-ayon at magsusulong sa KABAYAN’s vision na “more prosperous and equitable society for all Filipinos”.
“The work we’ve done in the past years has always been guided by our commitment to uplift the Filipino people, particularly in the areas of kalusugan (health), pabahay (housing), kabuhayan (livelihood), education, and OFW welfare. With the support of our kababayans, we have made significant strides, and now, we aim to do even more in the next Congress,” pagbibigay-diin ni Salo.
“Our OFWs are the backbone of the Philippine economy, and through the laws we have passed like the Department of Migrant Workers Act and the Magna Carta of Filipino Seafarers, we are ensuring that they and their families are provided with the protection and assistance they rightfully deserve.”