Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUNG meron man dapat managot sa pagkalat ng mga karamdamang dapat sana’y nalunasan sa bisa ng bakuna, iyon ay walang iba kundi ang mga nasa likod ng nakaraang administrasyon.
Sa isang pahayag, ibinunton ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa kabiguan ng administrasyong Duterte na pigilan ang pagkalat ng ‘fake news’ na nagdulot ng pangamba ng mga mamamayan hinggil sa epekto ng iba’t-ibang bakuna.
Ang resulta – pagsipa ng iba’t iibang karamdaman tulad ng pertussis, polio at tigdas.
Giit ni Garin, na minsang nagsilbi bilang Kalihim ng Department of Health (DOH), umiral ang tinaguriang niyang “Duque-Ubial” legacy noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulo Rodrigo Duterte, na tila tumutukoy sa noo’y Health Sec. Francisco Duque II at Paulyn Jean Ubial sa nabanggit na kagawaran.
Aniya, nabigo ang dalawang former Health secretaries na pigilan ang pagkalat ng kaliwa’t-kanan na fake news, kabilang ang mga alegasyon na nakakamatay ang dengue vaccine dahilan para makaramdam ng agam-agam ang mga mamamayan.
“Bakit sa buong mundo, sa Pilipinas lang nagkaroon ng pertussis outbreak? At bakit iyong polio, bumalik? Bakit noong mga nakaraang taon, grabe ang mga namatay sa measles? This is all because of vaccine hesitancy,” himutok ni Garin.
“Kasi ngayon, kung tingnan mo, walang stock sa DOH, nangangailangan sa community ng bakuna wala, kasi takot ng gumalaw yung ating mga health workers, takot na lang gumalaw yung ating mga eksperto, eh saan tayo papunta?” dugtong ng kongresista.
Subalit sinabi ni Garin na hindi naman dapat sisihin ang kasalukuyang pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagkakaroon ng pertussis outbreak.
“Tapos the current administration will be blamed for the lapses of the previous leaders of the DOH. I think that is also unfair. So, going back, pertussis kills and vaccination saves lives,” aniya.
Ayon kay Garin, dapat maintindihan na ang nararanasan sa Marcos administration ay siyang resulta lamang din ng mga naging kamalian ng nakaraang namuno sa bansa kung saan namayagpag umano ang mga pekeng eksperto na siniraan ang integridad at kapasidad ng ilang bakuna.
“So syempre, kapag denimonized mo iyong isang bakuna at iyong mga pekeng eksperto ay mamamayagpag, mako-confuse iyong tao. From a 98% vaccine coverage, bumagsak ito to around 30 to 32%. Kasama diyan bumagsak iyong coverage ng polio, measles, mumps, rubella. Kaya ito, kaakibat nito iyong pertussis,” paglalahad pa ng ranking lady House official.
Samantala, paalala ni Garin na ang pertussis, bagama’t kaya namang ma-kontrol ang pagkalat nito, ay mabibigyan ng ibayong proteksyon ang mga one-month old na sanggol hanggang 6-taong gulang ng mga bata kung sila ay mababakuhanan.
“Expected na magkaroon ng pertussis na infection kapag kulang ang bakuna. Kapag ikaw naman ay nahawa at ikaw ay bakunado kaya mo siyang labanan. So hindi siya nakakamatay. Unfortunately, nagkaroon tayo ng vaccine scare, specifically noon. I believe the DOH has to address the elephant in the room.”
