KUMPARA sa mga nagdaang panahon, higit na mainam ang kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan, ayon sa mga mambabatas ng Kamara, kasabay ng mungkahi ibaba ang age requirement sa edad 35 para makapaghain ng kandidatura para sa posisyon ng Pangulo.
Sa Resolution of Both House no. 2 na inihain ng tinaguriang “reform-minded congressmen,” napapanahon na rin anilang buksan ang Malacanang sa mga lider kabataan na nagnanais magsilbi sa bayan.
Partikular na target ng grupo amyendahan ang 1987 Constitution sa bisa ng Constitutional Convention (ConCon).
“Thirty-eight years since the ratification of the Constitution, the Philippines has undergone major demographic and social shifts, with more than 52 percent of the population under the age of 30, reflecting a vibrant, dynamic, and increasingly educated youth sector,” deklarasyon ng mga mambabatas sa naturang resolusyon.
Partikular na iminungkahi ng binasagang House Young Guns — na kinabibilangan nina Deputy Speakers Paolo Ortega V at Jay Khonghun; Deputy Majority Leaders Ernix Dionisio Jr., Zia Alonto Adiong, Rodge Gutierrez at Eduardo Rama at House Committee on Public Information Chairman Lordan Suan, ang may edad 35 taong gulang ay maging kwalipikado na para tumakbo para presidente at bise presidente ng bansa, habang 30-anyos naman para kumandidato para senador.
“The Filipino youth have proven themselves globally competitive, socially aware, and capable of national leadership, kung nakikita na rin ang kanilang malaking impluwensya sa hanay ng public service, innovation, civil society, at local governance.”
“Panahon na para marinig ang tinig ng bagong henerasyon. Leadership is not about age but about vision, malasakit at kagustuhan na magsilbi. By opening the highest offices to leaders as young as 35, we give the Filipino people a chance to be led by the energy and creativity of the youth, ready to carry the nation forward,” pahayag pa ng mga batang kongresista.
Giit ng Young Guns, ang Konstitusyon ay dapat nagbibigay ng kakayahan, oportunidad at kapangyarihan sa hanay ng mga mahuhusay at matalinong mas nakababatang lider.
Hindi rin anila angkop pigilan ang sinumang Pilipino magsilbi sa bayan dahil lang hindi pa wala pa sa takdang gulang.
Dagdag nila, sa mahahalagang usapin sa kasalukuyan, gaya ng digital transformation hanggang sa usapin ng climate change, ay mayroong pangangailangang sa mga lider na malapit at batid ang realidad sa buhay ng mga bagong henerasyon
Punto rin ng RBH 2, hindi dapat maging batayan ang edad sa pamamahala bagkus ay ang pagkakaroon ng kakayahan, integridad, habang ang youth empowerment ay dapat umanong maging bahagi ng pinakamataas na batas ng bansa.
Sa kabila ng pagkakaroon ng batang populasyon, sinabi ng mga mambabatas na ang political leadership ay kontrolado ng nakatatandang henerasyon kung kaya nagkakaroon ng puwang sa pagitan ng governance at younger citizens.
Sakaling kinatigan ng Senado at Kamara, ang naturang resolusyon ay magbibigay-daan sa pagbuo ng ConCon na magpapasya kung angkop ang amyenda sa Konstitusyon — hudyat para magsagawa ng plebesitong lalahukan naman ng mga botanteng Pilipino. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
