DAHIL sa kabiguang dumalo sa unang imbitasyon, inisyuhan ng subpoena o ang limang kontratista para humarap sa susunod na pagdinig House Infra Comm.
Partikular na pinapatawag ng Kamara ang may-ari o matataas na opisyal ng Royal Crown Monarch Construction and Supplies Corporation, SYMS Construction Trading, Alpha and Omega General Contractor & Development Corporation, St. Timothy Construction Corporation (STCC), at Wawao Builders Corporation.
Sa pagkatig ng mga miyembro ng komite, inutos ni Infra-Comm lead Chair Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon ang pag-iisyu ng subpoena matapos wala maski isang tumugon sa notices to appear na una nilang ipinalabas.
Base sa paunang pagbusisi ng super committee, natukoy ang SYMS Construction Trading at Wawao Builders Corporation na responsable sa mga sumambulat na ghost projects sa Bulacan.
Ilang impormasyon naman ang nagtuturo sa Alpha and Omega General Contractor & Development Corporation at St. Timothy Construction Corporation, na pag-aari ng mag-asawang Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya, na kaduda-dudang nakakopo ng bilyon-bilyong flood control projects.
Samantala, bukod sa limang nabanggit na kumpanya, ang iba pang kontratista na inimbitahan ng Infra-Comm ay sumipot sa nasabing pagdinig kung saan binigyan-diin ng huli na ang layunin ng kanilang pagsisiyasat ay paano binabalangkas ang paglalaan ng badyet sa ilalim na rin ng National Expenditure Program (NEP).
Target din ng pagdinig alamin ang dahilan sa pagkakaroon ng substandard at ghost projects. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
