NAUWI sa wala ang mahigit tatlong dekada ng paghihintay ng hustisya ng mga magsasaka matapos atasan ng Korte Suprema ang Office of the Ombudsman na ibasura ang patong-patong na kasong korapsyon laban dating Senador Juan Ponce Enrile at iba pang pinaniniwalaang sangkot sa bilyon-bilyong halaga ng anomalya sa coco levy fund ng gobyerno.
Katwiran ng Korte Suprema, nilabag ang karapatan ng mga asukado. Bukod kay Enrile na tumatayong presidential legal counsel ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lusot din sina Jose Concepcion, Rolando dela Cuesta, Narciso Pineda, and Danilo Ursua.
Sa 53-pahinang desisyon, inutusan rin ang pagbasura ng kaparehong kasong isinampa laban sa mga yumaong akusado kabilang sina Eduardo ‘Danding’ Cojuangco, Jose Eleazar, Maria Clara Lobregat, at Augusto Orosa.
Gayunpaman, nilinaw ng Korte Suprema na pwede pa rin sampahan ng civil case ang mga naulila ng mga yumaong dating opisyales ng Philippine Coconut Authority (Philcoa).
Taong 1990 nang sampahan ng kaso ng noo’y Presidential Commission on Good Government (PCGG) sina Enrile at iba pa kaugnay maanomalyang paggamit ng coco levy funds.
Paratang ng PCGG, ginamit di umano ni Cojuangco ang kanyang pwesto sa paglilipat ng P840 milyong pondo ng Coconut Industry Development Fund (CIDF) sa Agricultural Investors Inc. na kanyang pagmamay-ari.
Kabilang rin sa mga pinaniniwalaang nakinabang sa pondo ng Philcoa ang United Coconut Planters Bank (UCPB) at San Miguel Corp. (SMC) na pawang pag-aari noon ni Cojuangco,
“With this case pending for over 30 years and possibly more without the assurance of its resolution, the Court recognizes that the tactical disadvantages carried by the passage of time should be weighed against petitioner Republic and in favor of the respondents,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng Korte Suprema.
“Certainly, if this case were remanded for further proceedings, the already long delay would drag on longer. Memories fade, documents and other exhibits can be lost and vulnerability of those who are tasked to decide increases with the passing of years. In effect, there would be a general inability to mount an effective defense,” dagdag pa ng Korte Suprema.
………..