SINUMANG Pilipino ang nais magbahagi ng mensahe sa Trillion Peso March pwede, maliban sa mga politiko.
Ayon sa Tindig Pilipinas na tumatayong organizer ng Trillion Peso March, hindi pahihintulutan ang mga politiko sumampa sa entablado, higit lalong hindi pwede magpabibo sa mga dadalong Pilipino.
Una nang kinumpirma ng Tindig Pilipinas ang isasagawang ikatlong bugso ng Trillion Peso March sa Pebrero 25, kasabay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power.
Ayon kay Kiko Aquino Dee, co-convenor ng Tindig Pilipinas, walang bago sa panuntunan ng Trillion Peso March. Katunayan aniya, gayundin ang ginawa ng grupo nang ilunsad ang malawakang kilos-protesta kontra korapsyon noong nakaraang Setyembre 21 ng nakalipas na taon.
Paglilinaw ni Dee, pwede naman sumama sa martsa ang mga politiko.
“They are welcome to join as participants po. Marami naman po silang pagkakataon to speak to the people,” aniya.
Bukod sa malawakang korapsyon, isusulong rin ng Tindig Pilipinas ang pagsasabatas ng tunay na Anti-Political Dynasty Law. (ESTONG REYES)
