NAKAKUHA ng kakampi ang senador na nagpatupad ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Ito ang garantiya ni Senate President Francis Escudero matapos humingi ng saklolo si Senador Ronald Dela Rosa sa gitna ng nakaambang paglabas ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na inihain ng pamilya ng mga pinaslang na drug suspects sa kampanya ng nakalipas na administrasyon laban sa kalakalan ng droga sa bansa.
“Hindi para sa akin na pigilan si Sen. Bato na magtungo dito. Desisyon niya yun. Pero ang hangganan siguro noon ay hanggang makakuha at klaro na kung anong magiging pasya ng korte kaugnay sa kanyang pag avail ng kanyang judicial remedies na karapatan niya. Hindi lamang bilang senador, bilang isang ordinaryong mamamayan,” wika ni Escudero.
Katunayan aniya, hindi lang si Dela Rosa ang senador na nagkubli sa loob ng senado. Kabilang sa mga tinukoy ni Escudero sina dating Senate President Juan Ponce Enrile, Sen. Bong Revilla, Sen. Jinggoy Estrada, na pawang sumabit sa kasong plunder.
Kinanlong na rin aniya ng Senado sina dating Senador Leila de Lima, Panfilo Lacson at Antonio Trillanes.
Ayon kay Escudero, mayroon silang tinatawag na “institutional courtesy” para sa mga mambabatas na nahaharap sa kaso kung saan hindi pinapayagan na arestuhin ang sinumang senador sa loob ng Senado, may sesyon man o wala.
“Mayroon kaming summary ng mga kaganapan dito sa Senado noong mga nagdaang panahon at may mga akusadong senador o senador na inakusahan ng iba’t ibang krimen… Ito ay iba’t ibang sitwasyong kinaharap ng Senado kung saan may kaso laban sa kanila. At ang naging pasya ng Senado ay ito; hindi nakabase sa batas pero nakabase sa tinatawag na institutional courtesy.”
“Hindi papayagan ng Senado na arestuhin ang sinumang miyembro niya sa loob ng Senado. Lalo na kung mayroong sesyon,” pagtatapos ng Senate chief. (ESTONG REYES)
