BINULABOG ng kabi-kabilang protesta ang iba’t-ibang bahagi ng bansa bilang suporta kay former President Rodrigo Duterte na isinuko ng gobyerno sa International Criminal Court (ICC), ayon kay Atty. Israel Torreon.
Sa Liwasang Bonifacio sa lungsod ng Maynila, nasa 3,000 tagasuporta ni Duterte ang dumalo sa pagtitipon kung saan kinalampag ang administrasyon sa anila’y “pagbebenta ng kapwa Pilipino sa mga dayuhan.”
Bukod sa Maynila, dinagsa rin ng mga tagasuporta ni Duterte ang mga kilos-protesta sa Cebu, Davao at 55 iba pang lugar.
“Yung sa Cebu tsaka yung sa Davao kahapon yung solidarity walk kasi napuno talaga yung Claveria which is one of the main streets of Davao City and even San Pedro street ang dami talagang tao.”
“Makikita naman, organic yun lahat hindi mo pwedeng kargahin yon,” anang abogado..
Kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands ang dating pangulo.
“This really shows that the people have acted and they are willing and able to defend whatever excessive governmental actions that may be done against the Duterte’s,” aniya pa.
Gayunpaman, minaliit ng Philippine National Police (PNP) ang mga kilos protesta sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Ayon sa pambansang pulisya, hindi umano umabot man lang ng 50,000 ang kabuuang bilang ng mga lumahok sa kilos-protestang ginanap mula Marso 15 hanggang 16.
Sa Metro Manila, nasa 3,000 katao lang umano ang dumalo; 2,150 sa Central Luzon; 640 sa Mimaropa; 1,180 sa Western Visayas; 6,300 sa Zamboanga Peninsula; 3,850 sa Central Visayas; 6,200 sa Eastern Visayas; 9,500 sa Northern Mindanao; 8,200 sa Davao Region; at 8,890 sa Soccsksargen.
Dinakip si Duterte noong Marso 11 sa bisa ng arrest warrant mula sa ICC.
