
Ni Lily Reyes
LUMIPAT na ang dating mambabatas na si Rowena Nina Taduran sa Department of Agrarian Reform (DAR) matapos nitong tanggapin ang alok ni Secretary Conrado Estrella III na maging Undersecretary for Support Services Office (SSO).
Si Taduran na dating mambabatas ay pormal na nanumpa noong Oktubre 11 kay Executive Secretary Lucas P. Bersamin sa Malakanyang kasama si Estrella, kabilang ang iba pang presidential appointees.
Ang dating broadcaster at co-host ni Senador Raffy Tulfo sa radio/TV show na “Wanted sa Radyo” ay pormal na ipinakilala sa mga opisyal at kawani ng DAR ni Estrella sa ginanap na regular Monday flag raising noong Oktubre 16.
Kaugnay nito, iginiit ni Taduran ang commitment ng kanyang tanggapan, na isa sa tatlong haligi ng ahensya para sa pagtalima sa tinatawag na nine land reform priorities ni Estrella.
Tiniyak naman ni Taduran na tutulong siya sa kalihim sa paglilinis sa ahensya gayundin ang pagtiyak sa pagkakaloob ng pantay-pantay na serbisyo at proteksyon sa hanay ng mga tinaguriang agrarian reform beneficiaries. Bago maitalaga sa DAR at DSWD, si Taduran ay miyembro ng 18th Congress ng House of Representatives at hinirang siya bilang Assistant House Majority Leader at Vice Chair ng House Special Committee on Globalization and WTO.