SAMPUNG araw ikukulong dahil sa contempt ang sinibak na kawani ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos magdesisyon ang House panel ngayong Lunes nang hindi masuportahan ang umano’y naunang alegasyon ng lantarang korupsiyon sa ahensiya.
Sa ginanap na imbestigasyon ng House appropriations committee sa iregularidad ng LTFRB, sinampahan ng contempt si Jeffrey Tumbado nang hindi nito maipaliwanag ang alegasyon ng korupsiyon laban kay suspendidong LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III at ng ahensiya.
Sinabi ni Tumbado na limitado lamang ang kanyang kaalaman sa korupsiyon sa LTFRB at ito umano ay base sa kanyang sariling opinyon at report mula sa mga operator na pinipilit umanong maglabas ng malaking halaga ng pera para makabiyahe.
Idinagdag pa ni Tumbado na wala umano siyang direktang alam kung sangkot si Guadiz sa katiwalian sa LTFRB. Si Tumbado ang dating head executive assistant of Guadiz.
Ikinapikon ni Rep. Rodante Marcoleta, ng Sagip Partylist, ang mga sagot ni Tumbado dahilan para sampahan ito ng contempt na agad namang inaprubahan ng komite.
Sinabi ni Marcoleta na sinayang lang ni Tumbado ang oras ng mga mambabatas at hindi rin umano maaasahan ang mga sinasabi nito.
Noong Oktubre 11 ay binawi ni Tumbado ang nauna niyang alegasyon ng katiwalian, sangkot si Guasiz, sa P5 milyong ‘padulas’ para aprubahan ang mga permit.
Nauna nang pinabulaanan ni Guadiz ang akusasyon at idinagdag na ang alegasyon ng korupsiyon laban sa kanya ay lubhang nakaapekto sa kanya at kanyang pribadong pamilya.