KINASTIGO ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Public Works Highways (DPWH) sa kabi-kabilang pangungutang sa dayuhan para sa isinusulong na proyekto – nang wala man lang konsultasyon sa Kongreso.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Cayetano ang pangungutang ng DPWH nang wala man lang abiso sa National Economic Development Authority (NEDA), Department of Finance (DOF) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang matiyak na may sapat na pananagutan at konsultasyon sa paggamit ng pondo.
Sa pagtalakay ng Senado sa panukalang budget ng DPWH para sa susunod na taon, hayagang tinuligsa ni Cayetano ang kawalan ng basbas ng Kongreso sa inutang na pondo sa dayuhan.
Paliwanag ng senador, ang hindi pagsasama ng mga utang sa budget proposal na sinusuri at inaprubahan ng Kongreso ay paglabag sa karapatan ng lehislatura na kontrolin ang pondo ng bayan.
Sa tamang proseso, kailangang ipasa ng mga ahensya ng gobyerno ang proyekto sa Department of Budget and Management (DBM) at NEDA para sa angkop na pagsusuri bago aprubahan.
Kailangan din aniyang padaanin sa DOF upang matiyak ang kakayahang magbayad at BSP para masiguro pagsunod sa monetary policies at foreign debt ceilings.
“We can only spend money that is appropriated,” wika ni Cayetano.
“That is what’s in the Constitution. However, there is no law from the executive in borrowing money and then we ask this question, where is this legislative authority to release the money?” dagdag niya.
Pinaalalahanan din niya ang DPWH na maging maingat sa pakikipag konsulta sa mga lokal na pamahalaan at Kongreso upang maiwasan ang mga hidwaan sa proyektong pinondohan ng utang.
Inihalimbawa ni Cayetano ang Laguna Lakeshore Highway Project na nakakaapekto sa ilang lugar, kabilang ang Lungsod ng Taguig.
Aniya, hindi pa rin natutugunan ang mga isyung pinarating sa ahensya tulad ng daloy ng trapiko at epekto sa mga ancestral homes dahil kulang ang konsultasyon.
“Yung Laguna Lakeshore Highway during the time of P-Noy [President Benigno Aquino], PPP [Public Private Partnership] yan. During the time of P-Noy, kinonsulta Senado, kinonsulta local government, congressman, [pero] hindi niyo kami [City of Taguig] kinonsulta,” aniya.
Binanggit din niya ang Pasig River Expressway (PAREX) at ang mga puna ng urban planners at environmental advocates.
Tanong niya, bakit magtatayo ng highway sa ibabaw ng ilog kung ang ibang bansa ay tinatanggal na ang ganitong istruktura upang maging mas maayos ang urban environment.
“I’m sorry if I’m emotional because this really affects lives. Mr. Secretary [Manuel Bonoan], we’ve asked this question a thousand times. Consultation doesn’t just mean a dialogue or meeting. It doesn’t also mean na pag di pumayag, di matutuloy. It means na kunin niyo sagot. Kung ayaw, bakit? Pag sinabing OK, OK,” ayon kay Cayetano
Iminungkahi rin ng senador na maglabas ang kalihim ng DPWH ng malinaw na memorandum na naglalarawan kung ano ang tamang proseso ng konsultasyon para maiwasan ang kalituhan sa hinaharap.
“I’m for these projects but maybe the [DPWH] Secretary can issue a memorandum of what a ‘consultation’ is para klaro sa lahat,” ayon sa senador. (Estong Reyes)
