TALIWAS sa pangamba ng mga tagasuporta ni former President Rodrigo Duterte, walang plano ang administrasyong Marcos na isuko sa International Criminal Court (ICC) ang dating Pangulo kahit pa maglabas ng mandamiento de arresto laban sa dating Pangulo.
Sa isang pahayag, nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang gobyerno sa paghahain ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte, kasabay ng pasaring na walang maaasahan aasahan tulong mula sa gobyerno ang pandaigdigang husgado.
Katwiran ni Marcos, hindi kinikilala ng Pilipinas ang ICC – “We don’t recognize the warrant that they will send to us. That’s a no,” wika ng Pangulo kasabay ng giit na matagal nang walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.
Para kay Marcos, walang dahilan litisin si Duterte sa isang bansang may maayos na hudikatura.
“That is the reason why we are saying we are well within the rules. It is their rule. It is the rule of ICC that they come in when there is no judiciary, they come in when there is police force. We have a judiciary,” sambit ng punong ehekutibo.
Nahaharap ang dating Pangulo sa kasong crime against humanity sa ICC bunsod ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.
