TINANGGAL ng liderato ng Kamara bilang deputy speaker sina dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at Davao City Rep. Isidro Ungab, kaalyado ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sa sesyon nitong Martes, inaprubahan sa plenaryo ng mga kongresista ang mosyon ni House Deputy Majority Leader Ramon Nolasco Jr. ng Cagayan, na alisin sa kanilang mga posisyon sina Arroyo at Ungab.
Ipinalit sa puwesto ng dalawa sina Isabela congressman Tonypet Albano at Lanao del Sur Representative Yasser Alonto Balindong.
”This decision stems from the fact that out of the nine Deputy Speakers, only Deputy Speakers Macapagal-Arroyo and Ungab chose not to sign a pivotal House resolution sponsored by the entire leadership,” paliwanag ni House Majority Leader Manuel Jose ”Mannix” Dalipe sa kalatas.
”This particular resolution was of paramount importance, as it manifested the collective intention of the House leadership to rise in unison in defense of the institution. This resolution was a response to certain quarters that have recently levied criticisms and scurrilous attacks against the House and its leadership,” dagdag niya.
Kasunod nito, tinukoy ni Senior Deputy Speaker Aurelio ”Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga, na si dating pangulong Duterte ang isa sa mga nais manira sa kapulungan na naunang tinawag ng huli na “bulok” na institusyon.
Matapos nito, inaprubahan ng Kamara ang House Resolution 1414 upang itaguyod ang integridad at dangal ng kapulungan, at pagsuporta sa liderato ni Romualdez.
Sinabi ni Dalipe nitong Martes na bagaman iginagalang ng liderato ng Kamara ang opinyon at desisyon ng bawat kongresista, may pagkakataon umano na dapat nagkakaisa lalo na sa mga mahahalagang pagkakataon.
“The House leadership respects the right of each member to their individual opinions and decisions. However, leadership positions come with certain responsibilities and expectations,” ani Dalipe.
“One of these expectations is to be aligned with the collective decisions of the leadership, especially on matters of significant importance to the institution. By choosing not to sign the resolution, [then] Deputy Speakers Macapagal-Arroyo and Ungab have demonstrated that their perspectives differ from the collective stance of the leadership,” dagdag niya.