SA panahon ng pagsubok sa tiwala ng publiko sa pamahalaan, hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na unahin ang mga repormang matagal nang ipinaglalaban ng taumbayan.
Partikular na tinukoy ni Marcos ang anti dynasty bill, reporma sa partylist system, paglikha ng Independent People’s Commission, at “public access” sa paggastos ng gobyerno.
Sa isang kalatas, layon umano ng mga naturang “legislative agenda” ituwid ang mga kahinaang paulit-ulit na makikita sa pamahalaan at paglalatag ng gobyerno mas bukas, mas tapat, at mas nakatuon sa mamamayan.
Para kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang mga isinusulong na panukala ng Pangulo ay patunay ng uri ng lideratong prayoridad ang bayan bago ang pulitika.
“Ang pagpaprayoridad sa mga repormang ito ay paanyaya sa publiko na maniwala muli. Ipinapakita nitong handa ang Pangulo na ayusin ang matagal nang dapat ayusin.”
Mas Mabigat na Daan
Matagal nang isyu ang political dynasty sa Pilipinas.
Madalas paksa ng usapan ngunit bigo sa pag-usad. Sa isinusulong na adyenda, malinaw ang pahayag ng Pangulo — panahon nang tugunan ang mismong ugat ng hindi pagkakapantay-pantay sa politika.
“Hindi nabubuo ang reporma kung walang tapang. Madaling umiwas, ngunit mas mahirap ang kumilos para sa bayan—at ito ang ginawa ng Pangulo,” wika ni Goitia.
Tunay na Representasyon
Kasama rin sa direktiba ang pagbabago sa partylist system. Sa paglipas ng panahon, lumayo ang sistema sa tunay na pakay — ang tulungan ang mga nasa laylayan. Kaya’t mariing binigyang diin ni Goitia ang dapat na layunin nito:
“Ang partylist ay para sa mga sektor na tunay na nangangailangan, hindi para sa sinumang nakalusot lang sa sistema.”
Ayon kay Goitia, ang pagkukumpuni sa naturang sistema ay mahalaga upang maibalik ang tiwala ng publiko at magkaroon ng mas patas na pulitika.
Tiwala sa Bukas na Gobyerno
Binibigyang diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng transparency, lalo na sa paggastos ng gobyerno.
Ito aniya’y hakbang tungo sa pamamahalang hindi lamang makikita kundi mauunawaan ng publiko.
“Lumalaki ang tiwala kapag nakikita ng tao ang galaw ng pamahalaan. Hindi dapat misteryo ang serbisyong bayan,” diin ni Goitia.
Direksyon at Paninindigan
Sa kabila ng ingay at intriga, nanatiling nakatuon ang Pangulo sa matatag na pagpapatupad ng reporma – hindi nagpasilaw sa pulitika at tinulak ang pagbabagong pangmatagalan.
Ayon kay Goitia: “Hindi salita ang reporma. Ito ay direksyon at tapang. At iyon ang ipinakita ng Pangulo.”
Pambihirang Pagkakataon
Pagod na ang maraming Pilipino sa lumang takbo ng politika. Kaya ang panawagan ng Pangulo para sa reporma ay nagbubukas ng bagong yugto ng pag asa at pagkilos.
Hindi ito basta pangako kundi isang imbitasyon para sa buong pamahalaan at sa mamamayan na magtulungan.
“Ang tunay na pamumuno ay hindi nasusukat sa kung gaano kadali ang sitwasyon. Nakikita ito sa tapang na harapin at ayusin ang mga problemang matagal nang pinabayaan. Sa pagtulak ng Pangulo sa mga repormang ito, malinaw ang kanyang malasakit sa bansa,” pagtatapos ni Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic-oriented organizations kabilang ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER),
Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
