
MATATANGGAP na ng mga kawani ng gobyerno ang year-end bonus at cash gifts simula Nobyembre 15, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa kalatas, sinabi ng DBM na naglaan na ito ng P45.3 bilyon para sa bonus ng civilian personnel at P15.2 bilyon para sa militar o uniformed personnel.
Samantala, P8.9 bilyon naman ang inilaan sa cash gift ng higit sa 1.7 milyong sibilyan at militar gayundin sa uniformed personnel sa lahat ng ahensiya ng gobyerno.
Ang mga tatanggap ng bonus at cash gifts ay kawani na namasukan ng kahit apat na buwan sa serbisyo mula Enero 1 hanggang Oktubre 31, 2023, at nanatili sa serbisyo ng gobyerno ng hanggang Oktubre 31.
Ang year-end bonus ay katumbas ng isang buwan na basic pay hanggang Oktubre 31, at cash gift na halagang P5,000.