Ni ESTONG REYES
DAHIL sa walang habas na katarayan, muntik nang i-cite in contempt ng isang senador si former Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagpapatuloy ng congressional inquiry kaugnay ng illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
Sa pagsalang ni Roque sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, tinanong ni Sen. Risa Hontiveros ang dating tagapagsalita ng Palasyo kung paano napasama ang kanyang pangalan sa corporate structure ng sinalakay na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Subalit sa halip na tumugon, sinermunan ni Roque si Hontiveros sa aniya’y angkop na trato sa mga imbitadong resource persons – bagay na agad sinopla ni Hontiveros.
“You don’t need to tell the committee about the rules of the Senate,” wika ni Hontiveros kay Roque.
Nang muling tanungin kaugnay naman pag-aresto ng dalawang puganteng Chinese sa isang bahay sa Tuba, Benguet na pinaniniwalaang kanyang pagmamay-ari, muling rumatsada ang bunganga ni Roque – na ikiyamot naman ni Sen. Sherwin Gatchalian, kasabay ng babalang ikukulong sa Senado kung hindi kikilos ng wasto.
“Anong respectful? Nagsasalita siya sinasabayan mo siya. One more and I will cite you in contempt. If you will disrespect the chairperson, we will compel to cite you in contempt. Huwag mo namang sabayan, siya ang chairperson,” gigil na patutsada ni Gatchalian kay Roque.
