Ni Romeo Allan Butuyan II
PARA maging mabilis at epektibo ang paglalatag ng mga pagawaing bayan, iminungkahi ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang pagkakaroon ng round-the-clock construction para sa mga proyektong kalsada at tulay.
Sa House Bill 9666 (Accelerated Infrastructure Development Act of 2023) na inihain ni Tulfo, ACT-CIS partylist Reps Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo, target gawing 24-oras ang construction operation sa mga imprastraktura ng gobyerno.
“Acknowledging the pressing need to meet the population’s increasing demands, this proposed measure mandates the adoption of round-the-clock operations in priority infrastructure projects,” saad sa isang bahagi ng panukala.
“This strategic move aims to revolutionize the efficiency and pace of project completion, addressing the longstanding challenges associated with prolonged timelines in traditional project management,” dagdag pa niya.
Ayon sa House deputy majority leader, kapag ganap na maging batas ang kanilang ipinapanukala, saklaw nito ang lahat ng government infrastructure projects maging ito man ay national government, local government units (LGUs), o government-owned and controlled corporations (GOCCs) funded, partikular ang construction, repair, at maintenance ng mga kalsada at tulay.
Nauna rito, iginiit ni Tulfo na ang isinusulong nilang ito ay base na rin sa mga sentimyento ng mga mamamayang nanawagan at umaasang matuldukan na karaniwang mabagal na paggawa ng mga proyektong imprastraktura ng pamahalaan.
“Kasi ang naabala ang taong bayan. Tutal ng buwis ng taong bayan yan, bakit pa sila marunong pa sa taong bayan. Ang gusto ng taong bayan matapos agad ang mga proyekto as soon as possible kasi nakakagambala,” diin pa ng ranking House official.
“Enough na po sa 8am-4am lang ang project tapos nakatiwangwang ng Sabado at Linggo walang nagtatrabaho kasi day off ng manggagawa. Kalokohan po ‘yun, kasi sa ibang bansa hindi nila tinatantanan kahit Sabado at Linggo tinatapos nila ang proyekto at 24/7 sila nagtatrabaho,” dugtong ni Tulfo.