IPINAALALA ng Department of Labor and Employment (DOLE) na sundin ang wastong pagbayad ng sahod sa mga idineklarang regular holiday at special non working day sa Disyembre.
Ang Labor Advisory No. 26, Series of 2023, ayon kay DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma ay nagtatakda ng tamang pagkuwenta ng sahod ng mga manggagawa para sa regular holiday sa Disyembre 25 at 30, at ang special (non-working) day sa Disyembre 31.
Idineklara ang mga regular holiday at special (non-working) day para sa 2023 sa Labor Advisory ng Proclamation No.90
Nakasaad sa advisory na ang mga empleyadong magtatrabaho sa regular holiday sa Disyembre 25 (Araw ng Pasko) at Disyembre 30 (Araw ni Rizal) ay babayaran ng 200 porsiyento ng kanyang sahod para sa unang walong oras.
Kung hindi pumasok sa trabaho ang empleyado, babayaran sila ng 100 porsiyento ng kanilang arawang sahod, ngunit kinakailangan na sila ay nagtrabaho o naka-leave of absence na may bayad sa araw bago ang regular holiday.
Kung ang araw na sinusundan ng regular holiday ay araw na walang pasok sa establisimyento o nakatakdang araw ng pahinga ng empleyado, nararapat silang bayaran ng holiday pay kung sila ay nagtrabaho o naka leave of absence sa araw na sinusundan ng araw na walang pasok o araw ng pahinga.
Babayaran naman ng karagdagang 30 porsyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw ang enpleyado na magtatrabaho ng higit sa walong Oras o overtime. Ang pagkukuwenta ay: orasang kita ng arawang sahod x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.
Bukod dito, ang mga empleyadong magtatrabaho sa nasabing regular holiday na araw din ng kanilang pahinga ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng arawang sahod na 200 porsiyento; habang ang mga nagtrabaho ng higit sa walong oras (overtime) ay babayaran ng karagdagang 30 porsyento ng orasang kita sa nasabing araw.
Nakasaad din sa labor advisory na para sa special (non-working) day sa Disyembre 31, ipatutupad ang “no work, no pay” maliban na lamang kung ang kompanya ay mayroong polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.
Habang ang mga empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho, habang ang empleyado na nag-overtime ay makakatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw.
