HINDI malayong makapuslit na rin ang iba pang sangkot sa tinaguriang flood control scandal bunsod ng galawang usad-pagong ng Office of the Ombudsman.
Pag-amin ng Bureau of Immigration (BI), hindi pa nagpapadala ang Office of the Ombudsman ng foreign travel restriction request para sa 77 indibidwal na pinaniniwalaang sangkot sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Sa isang pagtitipon, ibinahagi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval ang nakatakdang pagpupulong ngayong araw (Biyernes) ang mga opisyales at kinatawan mula sa BI at Office of the Ombudsman para isapinal ang talaan ng babantayan sa mga paliparan at pantalan.
Pagtitiyak ni Sandoval, hindi makakalusot ang sinuman sangkot sa flood control scandal sa sandaling mahawakan ang talaan ng mga kawatan lalo pa’y madali naman aniyang malaman kung ang aprubado o kanselado ang travel authority ng mga taong gobyerno.
Una nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na ang mga opisyal na kasalukuyang iniimbestigahan ay hindi dapat lumabas o umalis ng bansa. (JULIET PACOT)
