Ni Ernie Reyes
UMAASA si Senador Risa Hontiveros nitong Lunes sa Kongreso na lilimitahan ang paglalaan ng confidential funds sa civilian agencies, upang makatulong sa pagtataguyod ng transparency sa gobyerno.
Simula noong 2022, marami nang ahensiya ng pamahalaan na walang kaugnayan sa seguridad ng bansa at kapaligiran ang humihingi ng confidential funds kabilang ang education department, Department of Information and Communications Technology at Philippine Charity Sweepstakes Office.
“Sana pareho kaming mga senador at mga representative makakita na tama na ‘yung bad precedent of last year. Pinagbigyan eh, ‘yung confidential and intelligence funds ng OVP (Office of the Vice President), DepEd (Department of Education), and others,” ayon kay Hontiveros.
“Sana natuto kami para this year ilagay namin sa tamang paglagyan so that a better accounting can be made by the agencies and by COA (Commission on Audit) in next year’s budget debates,” giit pa ni Hontiveros.
Para sa 2024, humihingi ang OVP at DepEd, sa ilalim ni Vice President Sara Duterte, ng P500 million at P150 million sa confidential funds ayon sa pagkakasunod-sunod.
Nangako si Hontiveros na dodoblehin nya ang kampanya sa paglalaan ng karamihan sa surveillance funds sa intelligence agencies sa susunod na Senate budget hearings.
“Ilagay natin sa ayos. ‘Yung intelligence needs ng gobyerno should be properly in the largest part be lodged with the intelligence agencies so we can leave it to the experts and let them make an accounting of those every budget season,” aniya.
Hindi ginalaw ng House committee on appropriations ang confidential and intelligence funds sa panukalang 2024 national budget nitong nakaraang linggo.
Sa kabuuan, umaabot s P5.277 bilyon ang hinihinging intelligence expenses at P4.864 billion sa confidential expenses sa panukalang General Appropriations Act.