
Ni Ernie Reyes
GUSTONG rendahan ng Senado ang lahat ng vlogger sa pamamagitan ng paglikha ng national organization na tututok sa kanilang content at tumulong sa pagsugpo at pagkakalat ng fake news sa bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na napanahon na upang rendahan ang vloggers kundi man tuluyang masugpo, mabantayan ang pagkakalat ng fake news sa social media.
Nitong nakaraang halalan, pangunahing biktima ng fake news si dating Vice President Leni Robredo na ikinalat ng vloggers sa social media na siyang ginamit laban sa kandidatura nito sa pagka-Pangulo.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Labor Employment and Human Resources Development sa panukalang Media Workers’ Welfare Act, sinabi ni Tulfo — nagtrabaho sa media industry — hindi nag-uulat ng maling impormasyon sa publiko ang tradisyunal na media dahil mayroon silang superior na titingin sa kanilang trabaho.
“I know that for a fact na ‘yung regular TV stations, hindi ‘yan nagpapalabas ‘yan ng mga fake news. ‘Yung mga radio stations, maging sa mga newspaper. Maliban na lang siguro sa mga vloggers na walang nire-reportan na amo o kumpanya. Independent. ‘Yun ang nakakatakot. Doon nagu-umpisa ang fake news,” aniya.
Iginiit pa ni Tulfo na maraming independent vlogger na nananatiling responsible sa pagpapalabas ng kanilang content kahit wala silang kompanya o entity na pag-uulatan.
Kaya, Ipinalutang niya ang organisasyon para sa vlogger katulad ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas na magtataguyod ng responsible reporting.
“I don’t know if this needs legislation na magkaron ng ‘Kapisanan ng mga Vloggers sa Pilipinas’ or something to that effect na para magkakaroon ng policing…among their ranks na para maging responsable na sila, that they should be recognized by the government,” ani Tulfo.
“Marami nga diyan na mga vloggers na sumusunod sa code of ethics, sa tamang pamamaraan na para ilabas mo ‘yung mga storya mo sa social media. Pero meron pa rin talaga diyan mga guerilla, na talaga ‘pag umupak, upak lang, without thinking of the consequences because walang nagre-regulate sa kanila and then bahala na kapag ide-demanda o hindi,” dagdag niya.