WALANG plano sumabay ang oposisyon sa deklarasyon ni Vice President Sara Duterte para sa 2028 presidential elections.
Gayunpaman, tiniyak ni Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros na may sariling standard bearer ang hanay ng “united opposition” para sa posisyon ng pangulo.
Ayon kay Hontiveros, patuloy ang talakayan sa hanay ng mga partido at grupong bumubuo ng “united opposition.”
Katunayan aniya, nakatakdang ilantad ang pagkakakilanlan ng kanilang pambato sa unang bahagi ng susunod na taon.
“Nandoon kami sa proseso ng pagtakda ng sariling timeline, so freewill ay ginagamit din namin. Yun ang task we set ourselves,” wika ng senador na kabilang sa napipisil sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa.
“Ilang taon na rin kaming magkakasama at regular na nag-uusap bago pa man itong recent important development. Patuloy ang pagkakasundo namin sa mga qualifications na aming hahanapin, di nagbabago yun,” ani Hontiveros. (ESTONG REYES)
