
NALALAPIT na ang pagtatapos ng imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang imbestigasyon sa di umano’y paglustay ni Vice President Sara Duterte ng kabuuang P612.5 milyon confidential funds na inilaan ng kongreso sa kanyang tanggapan.
Ito ang inihayag ni committee chairman at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, kasabay ng anunsyo sa ikinasang pulong para isapinal ang pagsisiyasat bago pa ang inaasahang pagsipa ng impeachment laban sa bise-presidente.
Dalawang impeachment complaint na ang naihain laban kay Duterte sa Kamara.
“May mga nagpa-file na rin po ng impeachment sa ating bise presidente kaya minarapat po namin na i-wrap up na rin ito (confidential funds inquiry),” wika ni Chua.
“Nevertheless, ito naman kasi saka-sakaling tutuloy ang impeachment process ay hahayaan na namin na sa impeachment na sagutin ang mga katanungan sa ating Bise Presidente,” dagdag pa niya.
Ayon kay Chua, maaaring gamitin ng House Committee on Justice ang rekord ng pitong pagdinig ng komite sa pagtalakay ng impeachment complaint na inihain laban kay Duterte.
Hindi na rin aniya itutuloy ng komite ang patawag sa dalawang security officers na sinasabing tumanggap ng perang inencash sa bangko. Katwiran ni Chua, gumugulong na ang imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP)
“Napag-alaman namin na iniimbestigahan na rin sila ng AFP. Kaya hahayaan namin ang AFP na mag-conduct ng kanilang sariling investigation dahil sakop nila ito,” paliwanag ni Chua. (Romeo Allan Butuyan)