KUNG nagawa umanong gumamit ng mga pekeng tao o pangalan para idepensa ang paggamit ng P612.5 million confidential funds, posibleng hindi rin totoo ang death threat na ipinagsisigawan ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang mariing sinabi ni House Assistant Majority Leader at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre na naniniwalang ‘peke’ o gawa-gawa lamang ang sinabi ng bise presidente hinggil sa di umano’y planong pagpatay sa kanya.
“The supposed assassination threats against Vice President Duterte are fake—completely unfounded and baseless. They are as fabricated as the names ‘Mary Grace Piattos’ and ‘Kokoy Villamin,’ which were used to justify the alleged misuse of confidential funds,” wika ng ranking House official.
“If there were any threats, the only one we’ve heard making them is the Vice President herself,” ayon pa rin kay Acidre, na ang tinutukoy ay ang walang kaabog-abog na paghahayag ni Duterte na mayroon na siyang kinausap na hitman para itumba sina sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Acidre, walang pinag-iba sa mga pekeng “identity” nina Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin, ang sumbong ni VP Sara sa publiko. Sina Piattos at Villamin ang sinasabing lumagda sa acknowledgment receipts na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa Commission on Audit (COA) bilang patunay ng paggastos sa kabuuang P612.5-milyong confidential fund.
Nilinaw naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang record sa kanilang database ng pagkakakilanlan nina Piattos at Villamin, kaya naman kumbinsido ang mga kongresista na gawa-gawa lamang ang mga pangalan na inilagay at pinapirma sa ARs para bigyang katwiran ang paggastos sa pondo,
Samantala, sinabi ni Acidre na dapat ipaubaya na lamang sa Department of Justice (DOJ) na tukuyin kung mayroong criminal liability si Duterte sa ginawa nitong pagbabanta.
“Importante para sa mga tao na maunawaan ang pagkakaiba ng proseso ng DOJ at ‘yung ginagawa ho natin sa Kongreso,” ani Acidre, na chairperson din ng House Committee on Overseas Workers Affairs.
“Sa DOJ po ito’y separate na proseso ng ehekutibo, involving the criminal liability ng Vice President. Iba po ito sa impeachment process sa Mababang Kapulungan, which is a politically legislative procedure.” (Romeo Allan Butuyan II)