SA laki ng iskandalo ng di umano’y maling paggamit ng confidential funds na karaniwang inilalaan ng Kongreso sa piling tanggapan ng gobyerno, nakatakdang isulong ng Kamara ang isang reporma sa na magsisilbing gabay sa paraan ng paggastos ng nasabing pondo.
Ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, kailangang magkaroon ng transparency at accountability sa paggastos ng confidential fund para matiyak na wasto at naaayon sa batas ang paraan ng paggamit ng salaping mula sa buwis ng mga tao..
“Ang isa po sa mga recommendation namin dyan ay ‘pag ang confidential fund ay nabigyan ng Notice of Disallowance, ito po ay mawawala po ‘yung confidentiality ng nature ng pondo at ito’y pwede nang usisain nang maigi,” wika ni Chua sa panayam ng programang Bantay Balita sa Kongreso sa GMA-DZBB.
Dapat din aniyang limitahan sa mga ahensya na may kinalaman sa national security, pangangalap ng intelligence report, at peace and order ang bibigyan ng confidential fund.
“Dapat limitado lang ang mga ahensya o mga departamento na binibigyan ng confidential fund, lalung-lalo na yung mga ahensya at departamento na walang kinalaman sa intelligence gathering, sa national security, saka sa peace and order,” dugtong ng panel chair.
Nadiskubre sa imbestigasyon ng komite ang paggamit umano ng mga pekeng acknowledgment receipts para bigyang katwiran ang paggastos ng confidential funds, ang pagbibigay sa mga hindi otorisadong indibidwal, at kuwestyunableng pagbabayad ng mahal na mga safe house at youth leadership summits.
Para kay Chua, mas mahigpit na pagbabantay ang kailangan sa bawat sentimo ng pondo ng gobyerno.
Iniimbestigahan ng komite ni Chua ang di umano’y paglustay ni Vice President Sara Duterte sa hindi bababa sa P612.5 milyong alokasyon ng Kongreso sa Office of the Vice President at sa Department of Education na dating pinamumunuan ng pangalawang pangulo. (Romeo Allan Butuyan II)