SA ayaw at sa gusto ng pamahalaan, itutuloy ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Gayunpaman, inamin ni Kristina Conti na tumatayong ICC assistant to counsel at secretary general ng National Union of Peoples’ Lawyers – National Capital Region (NUPL-NCR), na higit na makipot ang landas ng hustisyang asam ng mga naulilang pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Pero naniniwala si Conti na may paraan. Kabilang sa sinisilip na paraan ng ICC ang paghiling sa mga pamilya ng EJK killings na dumirekta pandaigdigang hukuman para magsumite ng mga ebidensya makaraan tumanggi ang gobyerno ng Pilipinas na makipagtulungan sa muling pagbubukas ng imbestigasyon.
“This investigation will move forward and ask for evidence,” ayon kay Conti.
Umaasa si Conti na hawak pa rin ng mga naulalilang pamilya ng EJK killings ang mga kopya ng police at SOCO reports na aniya’y gagamiting ebidensya kasama ng kanilang sinumpaang salaysay.
Sa ngayon, kaya nila na magdala sa ICC ng nasa 7,000 dokumento na una nang isinumite ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng nakabinbin na mga kaso sa Korte Suprema sa isyu ng Oplan Tokhang.
Nanawagan din si Conti sa PNP na huwag pahirapan ang mga pamilya ng EJK victims sa pagkuha ng kopya ng mga dokumentong kailangan isumite sa ICC, kasabay ng paalala sa PNP na hindi pwedeng katwiran ‘classified’ ang ‘drug war documents’ dahil sa naisumite na rin ito sa Korte Suprema.
Sa datos ng gobyerno, nasa 6,181 ang nasawi sa higit 200,000 anti-drug operations sa bansa sa buong panahon ng ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Duterte – malayo sa 30,000 biktima batay sa pagtataya ng ICC.