
TALIWAS sa unang anunsyo, tumataginting na P1,000 – at hindi P500 batay sa unang anunsyo – ang ipapataw na multa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga riders na aabutang nakikisilong sa ilalim ng footbridge sa tuwing bumubuhos ang ulan
Sa kalatas ng MMDA Public Information Office, pasok sa kategorya ng ‘obstruction’ na may multang P1,000 batay sa bagong Metro Manila Traffic Code at single-ticketing system ang paghimpil ng anumang sasakyan sa mga daluyan ng trapiko.
Ayon MMDA Chairman Romando Artes, arangkada na rin pagsapit ng Agosto 1 ng kasalukuyang taon ang panghuhuli ng mga enforcers sa riders na mahuhuling nakatigil sa ilalim ng mga footbridge at maging sa paanan ng mga flyover.
Paliwanag ni Artes, lubhang mapanganib hindi lamang para sa mga motorcycle rider kundi pati na rin sa iba pang motorista ang pagkukumpulan ng mga riders sa kahabaan ng mga kalsada para sumilong sa tuwing bubuhos ang ulan.
Nanawagan din ang MMDA chief sa mga motorcycle ride-hailing firm na lapatan ng kastigo ang mga riders na lumalabag sa mga panuntunan ng batas-trapiko.
Magugunitang pinangakuan ni Artes ang mga riders na kakausapin ang pamunuan ng mga gasoline stations para magtakda ng lugar na may tent para sa mga naka-motorsiklo upang may masilungan sa oras na bumuhos ang malakas na ulan.