NALALAGAY ngayon sa alanganin ang “career” ng mga politikong hindi tumalima sa utos ng Commission on Elections (Comelec) para tanggalin ang naglalakihang mukha sa labas na designated posting area.
Sa bisa ng show-cause order, inatasan ng Comelec ang anim na senatorial candidates at nasa 34 partylist groups na magbigay paliwanag hinggil sa pagkakaroon umano ng illegal campaign materials.
Gayunpaman, hindi muna pinangalanan ng Comelec ang anim na kandidato para senador at partylist groups na kalahok sa nalalapit na halalan sa Mayo.
“May anim na kandidato para pagka-senador at mahigit 34 na party-list groups ang pinadalhan ng show cause orders,” anunsyo ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco.
Sa ngayon aniya ay hinihintay pa ng poll body ang tugon ng mga kandidato at nominadong posibleng sampahan ng election offense — bukod pa sa posibilidad na i-diskwalipika sa 2025 midterm election sa Mayo 12.
“Tinitingnan namin ang kanilang dahilan. At kung meron mang basehan — whether kakasuhan o hindi kakasuhan, ito ay dedesisyunan ng Komisyon.”
