TILA hindi pa rin nawawala ang pagiging brusko ng tinaguriang original road rage icon sa kabila ng pagkabilanggo ng 25 taon sa New Bilibid Prisons.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), muling inaresto ang ex-convict na si Rolito Go matapos umanong magwala sa tanggapan ng homeowners association sa isang condominium sa Cubao, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ng lokal na pulisya, Pebrero 14 nang pwersahang pasukin ni Go ang opisina ng Porto Vita Condominium Homeowners Association at galit na nibulyawan ang dalawang HOA officers.
Nagalit umano si Go dahil natalo sa HOA election ang anak na kinilala sa pangalang Russell Go.
Sa sinumpaang salaysay nina HOA president Lamberto Beltran Dela Cruz at HOA Board Member Regina Ty Montes, sumugod umano si Go sa tanggapan ng HOA para ipawalang-bisa ang eleksyon kung saan tinalo ang batang Go na dating bise presidente ng HOA.
Hinala nina Dela Cruz at Ty, armado ng baril si Go na nanadya pa umanong ibagsak ang dalang clutch bag kung saan karaniwang inilalagay ang baril.
Taong 1991 nang bumida si Go matapos barilin ang noo’y De La Salle engineering student na si Eldon Maguan dahil sa away trapiko. Nakulong si Go ng 25 taon sa loob ng bilibid.
