
KUNG pagbabatayan ang testimonya ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa pagdinig ng Senate committee on foreign relations, lumalabas na sadyang pinagplanuhan ng administrasyon ang pag-aresto kay former President Rodrigo Duterte.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Senador Imee Marcos ang pagsisiwalat ni Remulla hinggil sa isang “core group” na umano’y nagplano ng pag-aresto sa dating pangulo.
Para kay Senador Imee, malinaw na labag sa 1987 Constitution ang ginawang pagtulong ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan sa International Criminal Court (ICC) sa kabila ng pagkalas sa Rome Statute, pitong taon na ang nakalipas.
“Planado at labag sa Konstitusyon,” anang mambabatas na kapatid ng Pangulo.
Binanggit din ng senador ang preliminary report ng komite kung saan lumalabas na tinulungan ng gobyerno ng Pilipinas ang ICC, kahit wala naman aniyang legal na obligasyon ang bansa para gawin ang paghahanda bago pa man ang Marso 11.
“Na-mobilize na ang mga yunit ng pulisya noong Marso 10 pa lamang. Si National Security Adviser Eduardo Año ay mino-monitor na ang kilos ni Duterte, at may mga opisyal ng ehekutibo na nagsabing makikipagtulungan ang administrasyon sa ICC sakaling dumaan sa Interpol ang kahilingan para sa arrest,” ayon kay Marcos.
Aniya, hindi kailangan ng Pilipinas na arestuhin si Duterte o i-turn over sa ICC dahil ang bansa ay nakatanggap lamang ng Diffusion Notice, na hindi aniya beripikado at hindi naaprubahan ng International Police Organization (Interpol).
“Kahit sa ilalim ng mga tuntunin ng Diffusion Notice, walang obligasyon sa panig ng Pilipinas na i-turn over si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ICC, walang anumang kahilingan para sa extradition o kahilingan para sa pagsuko,” saad ni Marcos.
Ang pag-aresto aniya kay Duterte ay paglabag lalo pa’t wala naman umanong inilabas na mandamiento de arresto ang husgado sa Pilipinas. (ESTONG REYES)