SA gitna ng usap-usapan hinggil sa di umano’y paglabas ng bansa ni former Presidential Spokesperson Harry Roque, nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na nananatili sa loob ng Pilipinas ang puganteng abogado.
Para kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, Agosto 24 pa bantay-sarado ng kawanihan ang mga paliparan at pantalan sakaling tangkain ni Roque lisanin ang Pilipinas para umiwas sa nakaambang pagdakip bunsod ng mandamiento de arresto na inilabas ng Kongreso.
Bago pa man naglabas ng pahayag si Sandoval, nagpasaring si Vice President Sara Duterte sa aniya’y kinaroroonan ni Roque — “wala na sa Pinas, nasa ibang bansa na.”
“As per BI records po, Atty. Roque is still in the country. No recorded recent attempt to depart the Philippines,” wika ni Sandoval sa test message na pinadala sa mga mamamahayag.
Nasa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) na rin ng BI si Roque, gayundin ang asawang si Myla na nakalipad patungo sa Singapore bago pa man naglabas ng warrant of arrest ang kamara dahil sa hindi pagsipot sa patawag ng quad committee na inatasang mag-imbestiga hinggil sa illegal POGO.
