NI LOUIE LEGARDA
HINDI pa man lumalabas ang resulta ng isinasagawang pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa banta ni Vice President Sara Duterte na ipatumba ang pangulo ng bansa, nagpapahiwatig na ang Department of Justice (DOJ) sa susunod na hakbang ng gobyerno – ang sampahan ng kasong kriminal ang pangalawang pangulo.
Sa press briefing sa Malacañang, nilinaw ni DOJ Undersecretary Hermogenes Andres na walang immunity sa mga kasong kriminal si VP Sara lalo pa’t pasok sa kategorya ng national security ang pag-amin ng pangalawang pangulo sa nakaambang kamatayan kay Marcos kung hindi titigil ang administrasyon sa aniya’y demolition job laban sa kanyang pamilya.
Ani Andres, walang balakid ang pagsasampa ng kaso – kriminal man o administratibo – laban sa pangalawang pangulo.
Para kay Andres, isang “self-confessed mastermind” si Duterte bunsod ng binitawang pahayag sa harap ng mga mamamahayag.
Bukod kay Marcos, kabilang rin sa mga binanggit ni VP Sara na target ng “designated hitman” sina First Lady Liza Araneta at House Speaker Martin Romualdez.
“The premeditated plot to assassinate the President as declared by the self-confessed mastermind will now face legal consequences,” ani Andres.
Habang naghihintay ng resulta ng imbestigasyon ng NBI, target ng DOJ sampahan muna ng kasong grave threat at sedition si Duterte.
“Based on our initial study, sedition is a possibility. We are not closing our eyes on other obvious criminal offenses, even graver than sedition. But grave threats and sedition are obviously being considered,” pahabol ni Andres.
