ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang industrialist at fishing magnate na si Francisco Tiu Laurel Jr. bilang bagong Secretary ng Department of Agriculture (DA).
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na ang pagtatalaga kay Laurel sa DA ay nagpapakita ng kahalagaan ng ugnayan sa pagitan ng pribado at pampublikong sektor kasama na ang background at kakayahan ni Laurena mamuno sa ahensiya.
Alam din umano ni Laurel kung paano ang sistema ng agrikultura sa bansa. “Ang pagtingin natin sa ating private sector ay partner sa lahat ng mga ating gagawin. Kaya naman ang pagpasok ni Secretary Laurel sa kanyang position na Department of Agriculture Secretary ay para na natin sinama dahil matagal na siya sa industriya ng fisheries,” sabi ni Marcos.
“Nagsimula siya sa pangingisda ngunit ‘yung mga iba’t ibang panig ng agrikultura ay napasukan na niya kaya’t nauunawaan niya, hindi lamang kung ano ‘yung problema kung hindi ang mga solusyon sa problemang ‘yun,” dagdag pa nito.
Makatutulong din umano ang koneksiyon ni Laurel para tugunan ang problema sa agrikultura kasama na ang climate change.
“Kaya’t malaki ang trabahong ibinigay ko sa ating bagong Kalihim at handa naman kaming lahat, hindi lamang sa pamahalaan, kung hindi pati na sa private sector na siya’y tulungan dahil naging kaibigan na rin natin ito,” sabi ni Marcos.
Si Laurel ay dating president ng Frabelle Fishing Corp. mula 1985 hanggang Oktubre 31, 2023 at miyembro ng agriculture sector group ng Private Sector Advisory Council (FSAC) ni Marcos.