MABABANG sahod ang nakikitang dahilan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa likod ng pagtanggi ng mga dating empleyado ng offshore gaming hubs sa alok ng trabaho ng gobyerno.
Pag-amin ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, marami pa rin umano sa mga Pinoy na nawalan ng trabaho ang nananatiling umaasa sa muling pagbubukas ng POGO.
Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim na marami na sa mga dating POGO workers ang nabigyan ng trabaho sa bisa ng mga isinaos na job fairs sa pakikipagtulungan ng mga pribadong kumpanya.
Sa isang banda, lubhang nabahala si Laguesma sa resulta ng job fair sa Pasay City na nilahukan ng hindi bababa sa 150 employers. Aniya, mas marami pa ang mga lumahok na kumpanya kumpara sa dami ng mga dating POGO workers.
Katunayan aniya, 100 lang ang natanggap at nabigyan ng bagong pagkakataon – malayo sa 18,000 Pinoy POGO workers na una nang nagpahayag ng interes sa alok ng pamahalaan.
Sa pagsasaliksik ng Saksi Pinas, lumalabas na hindi bababa sa P200,000 ang buwanang sahod ng mga Pinoy POGO workers bago pa man inilabas ng Palasyo ang Executive Order No. 74 na pirmado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
