Ni Estong Reyes
IKINABAHALA ni Senador Alan Peter Cayetano ang kakapusan ng cyber security experts na mangangalaga ng government websites sa harap ng patuloy na panghihimasok ng hackers.
Dahil dito, hinimok ni Cayetano sa pagdinig ng Senate committee on science and technology, ang Department of Information and Communications Technology (DICT), law enforcement agencies at iba pang ahensiya na kumuha ng mas maraming cybersecurity experts sa gitna ng lumalalang banta ng hacking at data breaches sa bansa.
Iginiit ito ni Cayetano matapos pasukin ng hackers ang websites ng gobyerno kabilang ang DICT PhilHealth, House of Representatives, at Philippine Statistics Authority nitong Oktubre.
“Are there enough cyber security experts in the DICT and in government? Baka kasi may fund na ibinibigay for counter attacks, but there are not enough experts in government,” Tanong ni Cayetano sa mga resource person sa pagdinig noong Miyerkules (Oktubre 25, 2023) sa cybersecurity at e-governance sa ilalim ng Senate Committee on Science and Technology, na kanyang pinamumunuan.
Ayon kay Cybercrime Investigation and Coordinating Center Deputy Executive Director Mary Rose Magsaysay kay Cayetano na sa kasalukuyan, mayroon 55 eksperto ang ahensiya.
Aniya, karamihan sa kanila ay cyber technologist at pinakamahusay na taong kilala nila ngunit hindi ito sapat.
“In general, kulang pa rin hindi ba? At kahit may mga ICT expert, it’s another issue of getting them into government dahil maraming nagpupunta abroad at sa private sector,” sabi ni Cayetano.
Sumagot naman si DICT Spokesperson Renato Paraiso na ito ang realidad dahil sa malaking pagkakaiba sa suweldo sa ng empleyado ng gobyerno at pribadong sektor.
Ayon kay Cayetano, ito ay isang lehitimong isyu dahil may taong pipiratahin para sa mas magandang suweldo.
“We can’t blame them for wanting to provide for their family. It’s not for everyone, but there are really hot career choices na kung hindi tayo makipag agawan sa gobyerno ay mapupunta sila sa private sector o abroad,” wika niya.
Sa pagtatanong sa Philippine National Police tungkol sa kanilang cybersecurity personnel, natuklasan din ni Cayetano na malayo sa ideyal na budget ang nakalaan para sa programa sa Information System Strategic Plan (ISSP) sa 2023-2025 na umabot lamang sa P100,000 kada rehiyon.
“It’s a good start… pero mas kumplikado rin pala [ang hiring] sa PNP. Ang sweldo kasi nila ay parallel to the rank. Kung may cyber expert sila pero major, hindi naman pwedeng mas mataas ang sweldo niya sa general. That would be a complication for both. Let’s have a separate discussion on this,” sabi ng senador.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Cayetano ang pangangailangan ng gobyerno na pondohan ito para sa PNP at militar dahil ang “future wars will be fought in cyberspace.”
Sa pagtatapos ng talakayan, inalok ng senador ang DICT at ahensya ng gobyerno na magsumite ng kanilang plano, na kinabibilangan ng pagkuha ng mas maraming cyber expert sa gobyerno upang tugunan ang alalahaning ito, bago ang Senate 2024 budget deliberations sa Nobyembre.
“We can include in our committee report these other resources that you need,” alok niya.