ILANG araw bago sumapit ang araw ng halalan, nasa 100 kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang sinampolan ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng mga paglabag sa Omnibus Election Code.
Kabilang sa mga pinatawan ng diskwalipikasyon ang isang Judielyn Francisco na tumatakbo sa posisyon ng Sangguniang Kabataan chairperson sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City.
Sa desisyon ng Comelec Second Division sa disqualification case number 23-225, tuluyang ibinasura ang kandidatura ni Francisco bunsod ng vote-buying kaugnay ng inorganisang “leadership training” sa Paradise Adventure Camp sa San Jose del Monte, Bulacan kung saan hindi bababa sa 80 kabataang botante ang sumama.
Sa imbestigasyon ng Comelec, lumalabas na isang libreng outing ang naturang pagtitipon na ibinida pa di umano sa social media ng mga dumalo.
Bago ibinasura ng poll body ang kandidatura ni Francisco at iba pa sa nalalapit na halalan, naglabas ng babala si Comelec chairman George Garcia sa aniya’y nakaambang disqualification sa mga aspiranteng lalabag sa Omnibus Election Code kabilang ang vote buying.
Bukod sa mga bumibili ng boto, target din ang Comelec ang nagbebenta ng kanilang boto.
Sa aspeto ng vote-buying partikular na tinukoy na Garcia ang pagbabawal sa pamimigay ng “ayuda (pera, grocery packs at iba pa), paghahakot ng mga rehistradong botante ng barangay kung saan naghain ng kandidatura, pamamahagi ng discount, insurance at health cards” sa panahon ng pangangampanya.
Sa kaso ni Francisco, binigyang diin ng Comelec ruling ang probisyon kung saan nakatala ang restriksyon sa “hakot” system – o ang pagtitipon ng dalawa o higit pang rehistradong botante sa isang takdang lugar bago at sa mismong araw ng halalan.