PARA kay House Speaker Faustino Dy III, malaking bentahe sa Kamara — at maging sa iba pang tanggapan ng pamahalaan, ang ipinupukol na lehitimong kritisismo mula sa mga mapanuring Pilipino.
Katunayan aniya, bukas ang Kamara sa mga puna na aniya’y nagsisilbing batayan para paghusayin ang pagganap sa mandato ng institusyon.
“At sa lahat ng mga pumupuna sa ating institusyon, maraming salamat din po. Kayo po ang umuudyok sa amin na ituwid ang ating mga gawain at isaayos ang mga plano at programa para sa ating mga kababayan,” pahayag ng House Speaker.
Ayon kay Dy, pinahahalagahan ng Kongreso ang mga makatwirang kritisismo, gayundin ang pagkilala sa papel ng mga kritikong nagbibigay sa kanila ng katatagan at magpatupad ng mga kaukulang hakbang.
“Kung mayroon pa po kaming pagkukulang, sige lang po… nandito lang po kami, handa po kaming makinig sa inyo. We will never stop listening. Laging bukas ang Kongreso para sa inyo,” saad pa ng Isabela province lawmaker.
Nanawagan naman si Speaker Dy sa kanyang mga kapwa kongresista na gamitin ang session break para paghandaan ang bagong yugto ng serbisyo publikong may pananagutan, integridad at tapat sa kanilang paglilingkod.
“Sa panahong ito, kinakalampag tayo ng ating mga konsensya na maisakatuparan natin ang tunay na reporma—mga repormang magpapanumbalik sa tiwala ng taumbayan sa ating institusyon. Tungkulin nating lahat na ituwid ang dapat ituwid at pagbutihin pa ang ating serbisyo sa bayan,” panawagan ng lider ng Kamara.
“Mga minamahal ko pong kasama, habang nagtatapos tayo sa araw na ito ay nagsisimula tayong muli. Maaaring ito’y pagtatapos ng ating sesyon, ngunit ito rin ay simula ng isang panibagong kabanata—isang pagkakataon upang lalong mapagbuti, mapalawak, at mapagtibay ang ating sinumpaang tungkulin sa sambayanan,” aniya pa.
“Tandaan po natin, sa bawat pagbabago ay may panibagong simula. At sa bawat wakas ay may naiwang kasaysayan na lumilikha ng tunay na paghubog para sa kinabukasan ng bawat pamilyang Pilipino. Pagtibayin natin ang ating pagtitiwala sa bawat isa nang makapaghandog tayo nang tunay na pagbabago tungo sa pag-unlad ng Bagong Pilipinas.” (ROMER R. BUTUYAN)
