PARA sa isang partylist congressman, wasto lang ang ginawa ng Land Transportation Office (LTO) na huwag muna patawan ng multa ang mga motoristang nagmamaneho ng sasakyan na may temporary license plate.
Gayunpaman, nanindigan si House Committee on Transportation Vice Chairperson at 1-Rider Partylist Rep. Rodge Gutierrez higit na nararapat unahin ng LTO ang pagsasaayos sa sistema sa pamamahagi ng plaka ng mga sasakyan.
“Bago po natin pag-usapan ang pagmumulta — siguraduhin po muna natin na maayos na ang sistema,” wika ni Gutierrez tumatayong Deputy Majority Leader ng Kamara.
Giit ng 1-Rider partylist solon, dapat magkaroon ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng LTO, motorcycle dealers, at riders partikular ang gawing episyente ang plate distribution system.
Ani Gutierrez, maraming motorcycle rider ang nagrereklamong hirap na makuha ang kanilang plaka taliwas sa ipinagmamalaki ng LTO na ‘zero backlog’ sa license plate distribution.
Umaasa ang ranking House official na kasunod nang pagbawi ng LTO sa pagpapataw ng multa sa mga mahuhuling gumagamit ng temporary plate, ay pagtutuunan nito ng ibayong pansin at reresolbahin ang reklamo sa pahirapang pagkuha ng plaka. (ROMER R. BUTUYAN)
