ALANGANIN na sa oras. Ganito ang paglalarawan ng isang prominenteng kongresista sa Kamara kaugnay ng isinusulong na impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa di umano’y paglustay ng P 612.5 milyong confidential funds.
Kabilang sa nakikitang balakid ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang nalalapit na Christmas break ng Kongreso at ang pagiging abala ng mga kongresista sa nalalapit na 2025 midterm election.
Dalawang impeachment complaint na ang isinumite sa Kamara — isa mula sa “civil society groups” at isa mula sa mga militanteng hanay.
Maging si Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores na tumatayong Vice Chairman ng House Committee on Good Governance and Public Accountability, kumbinsidong masyadong maikli ang palugit para maisumite sa senado ang impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Katunayan aniya, hindi pa rin naire-refer sa House Committee on Justice ang reklamo laban kay VP Sara.
“One of the issues nga is yung kakulangan sa number of session days, we will be encountering kung daraan man sa ruta ng Committee on Justice.”
Sa sandaling mai-refer sa House Committee on Justice, kailangan pang isalang sa masusing pagsusuri para alamin kung may sapat na batayan ang paglilitis kay Duterte.