TARGET ng minorya sa senado isalang sa imbestigasyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng palpak na pagkakagawa ng Pangil Bay Bridge sa Northern Mindanao.
Sa isang pahayag, nagpahayag ng pagkabahala si Senador Aquilino Pimentel III sa P7.37-bilyong halaga ng Pangil Bay Bridge na agad na nasira matapos ang bonggang inagurasyon na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos kamakailan.
Hirit ni Pimentel, igisa ang DPWH at ang kontratista sa likod ng aniya’y palpak na pagkakagawa ng tulay na nagdurugtong sa munisipalidad ng Tangub sa Misamis Occidental at sa bayan ng Tubod sa Lanao del Norte.
Partikular na tinukoy ng senador ang viral post ng larawan kung saan nalantad ang tinamong pinsala ng Pangil Bay Bridge ilang linggo matapos ibida ng Pangulong Marcos ang programang “Build Better More” ng administrasyon.
Tugon naman ng DPWH, hindi apektado ang structural integrity ng 3.7-kilometrong tulay na ginawa ng South Korean firm na Namkwang Kukdong Gumgwang Joint Venture (NKG-JV).
“Nakakabahala na isang buwan pa lang, mayroon nang mga problema,” ayon pa kay Pimentel at sinabing tanging sa Pilipinas lang ito nangyayari.
Para kay Pimentel, isang imbestigasyon kailangan para mahimay ang proseso sa paggawa ng multi-bilyong imprastraktura.
Taong 2022 nang ilunsad din ng senado ang isang “investigation in aid of legislation” hinggil sa pagbagsak ng ilang tulay kabilang ang Loay Bridge sa lalawigan ng Bohol kung saan apat katao ang namatay.
“This is not just about repairing asphalt; it’s about ensuring the structural integrity of a vital infrastructure project that serves a large and diverse population,” giit pa ni Pimentel. (Estong Reyes)