Michael Ma
WALANG pag-usad na inaasahan sa ikinasang imbestigasyon ng Kamara sa eskandalong kinasasangkutan ng bayaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang pulong balitaan, hayagang sinabi ng mga militanteng kongresista na itiniklop ng Kamara ang pagdinig kaunay ng lumabas na talaan ng mga negosyanteng nasa likod ng malawakang agri-smuggling sa bansa.
Suspetsa ni House Deputy Minority Leader France Castro, nangangamba ang Kamara sa posibleng paglutang ng pangalan ni Martin Araneta sakaling ungkatin ang kaugnayan ng isa sa mga tinukoy na smuggler — si Michael Ma.
Si Araneta ay kapatid ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Partikular na tinukoy ni Castro ang di umano’y koneksyon ni Martin Araneta kay Ma, batay sa pagbubulgar ng batikang peryodistang si Ramon Tulfo.
Sa kanyang Facebook post, isiniwalat ni Tulfo ang ugnayan nina Ma at Araneta.
Si Ma, ayon kay Tulfo, ay presidente ng China-Philippine United Enterprises (CPUE) kung saan vice president ang kapatid ng Unang Ginang.
“Tingin natin baka may katotohanan ‘yung rebelasyon ni Mon Tulfo dahil may related dyan sa ginaganap na Committee hearing ng Committee on ways and means. Kung matatandaan natin ne-reveal ni Congressman Horacio Suansing ‘yung 10 smugglers na nandun. Isa si Michael Ma [na] binanggit dyan,” ani Castro.
“Kaya siguro hindi ipinatuloy pa yung hearing sa House resolution ni Congressman Suansing dahil mabubulgar itong relasyon ng kapatid ni First Lady sa kinilalang smuggler (Michael Ma),” aniya pa.
Ani Castro, kaduda-duda ang biglang kanselasyon ng pagdinig ng komiteng pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda, matapos ang unang yugto.
Wala rin aniyang abiso kung kailan — o kung itutuloy pa.
Magugunitang hiniling ni Suansing sa House Ways and Means Committee na ipatawag ang 10 negosyante para magbigay linaw sa alegasyong smuggling.
Bukod kay Tulfo na nagdawit kay Martin Araneta, kabilang si Ma na di umano’y kasosyo ng bayaw ng Pangulo sa mga nais isalang sa pagdinig ng Kamara. “Dapat nagtuloy-tuloy din ang committee hearing at makita natin talaga kung anong relasyon ng dalawa (Araneta at Ma) dahil malaki ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa,” giit ng militanteng kongresista, kasabay ng panawagan sa Pangulo na panagutin ang bayaw sakaling mapatunayang totoo ang alegasyon laban sa kapatid ng kanyang asawa.
Para kay Castro, dapat patunayan ni Marcos na seryoso ang kanyang administrasyon na isulong ang interes ng mga magsasakang Pinoy at ang sektor ng lokal na agrikultura.
Para naman kay Kabataan partylist Rep. Raoul Manuel, nakabibingi ang katahimikan ng Palasyo sa eskandalo ng bayaw ng Pangulo.
