KINASUHAN ng Quezon City Police District (QCPD) ang lalaking nag-upload ng viral video ng pulis na pinahinto ang daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue dahil dadaan umano sa lugar si Vice President Sara Duterte.
Si Janus Munar ay nahaharap sa paglabag ng Article 154 of the Revised Penal Code (RPC) and Republic Act No. 7610 in relation to RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012, ayon sa kanyang abogado na si ose Manuel “Chel” Diokno, ng Free Legal Assistance Group.
Ayon kay Diokno, napakaluma at bibihirang gamitin ang batas na ito. Wala rin umanong kasong katulad nito ang umakyat sa Supreme Court.
Ito rin umano ang batas na ginamit ng dating Duterte administration sa mahigit dosenang katao na nag-post sa kanilang social media kritikal sa gobyerno at sa pagpapatupad ng program ng coronavirus.
Sa liham na ipinadala sa QCPD noong October 12, binigyang-diin ni Diokno na ibinahagi lamang ni Munar ang video taliwas sa sinabi ng pulisya na ito ang nag-upload ng video.
“Mr. Munar is not the person who took the video and is not related or affiliated in any way with that person. He does not even know the name or identify of that person,” sabi ni Diokno.
“Kontra tayo sa fake news at child abuse, pero mukhang diskriminasyon na ito (We’re against fake news and child abuse, but this looks like discrimination),” he later posted on X (formerly Twitter).
Hindi rin pa umano nakatatanggap ng subpoena o kopya ng reklamo at nangangamba sa posibleng arrest warrant na iisyu ng pulisya.
“He fully intends to participate in the preliminary investigation by submitting a counter-affidavit upon receipt of the subpoena and complaint against him,” ayon pa sa abogado sa liham na ipinadala naman kay City Prosecutor Vimar Barcellano, ng QC Prosecutors Office na may petsang October 25.
Noong October 6, sa radio interview sa DWPM Radyo 630, sinabi ni Police Lieutenant Colonel May Genio na si Munar ay kritiko ni Vice President Sara Duterte base sa kanyang mga Facebook post. Kinontra ito ni Diokno at sinabing posibleng malagay sa alanganin ang kaligtasan ng kanyang kliyente.
“By publicly identifying him as the one who took the video, the QCPD has defied recently issued PNP guidelines, violated my client’s right to privacy, and put him in harm’s way,” ayon pa kay Diokno.
Nakatanggap din umano ng death threat si Munar.
Itinanggi naman ng bise presidente ang insidente at sinabing nasa Mindanao siya nang maganap ang sinasabing viral video. Humingi naman ng paumanhin ang QCPD sa publiko na naapektuhan ng pagpapasara ng kalsada.