HULI man daw at magaling, maihahabol pa din. Ito ang buod ng mensahe ng isang opisyal ng Department of Justice (DOJ) kaugnay na naantalang paghahain ng patong-patong na kaso laban sa mga kongresistang sangkot sa flood control scandal.
Sa isang pulong-balitaan, hindi agad na pinangalanan ni DOJ Prosecutor General Richard Anthony Fadullon ang mga kongresistang nahaharap sa asunto matapos mabisto ang kabi-kabilang anomalya sa nasasakupang distrito.
Para kay Fadullon, hindi angkop na kanyang pangunahan ang resolusyon kung saan nakapaloob ang talaan ng mga kongresista. Giit ng opisyal, kailangan pa muna dumaan sa metikulosong pagsusuri ng Office of the Ombudsman ang mga nakalap na ebidensya.
Mainam din aniyang maisampa muna sa Sandiganbayan ang mga kaso bago maglabas ng mga pangalan.
Una nang sinabi ng DOJ na aarangkada na ngayong linggo ang paunang imbestigasyon kaugnay naman sa magkahiwalay na plunder cases laban kina Sen. Jinggoy Estrada at dating Senador Bong Revilla. (JULIET PACOT)
