
NI LILY REYES
Matapos ang sunod-sunod na insidente ng tangkang pagpupuslit ng shabu sa Pilipinas, tinukoy ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sindikato sa likod ng mga nasabat na kontrabando.
Sa kalatas ng PDEA, partikular na tinukoy ni PDEA Director-General Isagani Nerez ang kapural sa likod ng pagpa paanod ng tone-toneladang droga sa karagatang sakop ng Zambales, Pangasinan at Ilocos Sur — ang Sam Gor drug syndicate.
Ayon kay Nerez, isang malawak na international crime syndicate ang Sam Gor group na responsable sa pagtatapon ng higit sa isang tonelada ng shabu sa baybayin ng Zambales, Pangasinan at Ilocos Sur.
“Sam Gor is a five-drug triad alliance namely: the 14K, Bamboo Union, Big Circle Gang, Sun Yeen On, and Wo Shing Wo, whose leaders are based in Hong Kong and Taiwan. Their members simply called it “The Company,” wika ni Nerez.
Bukod sa Pilipinas, aktibo rin umano ang naturang sindikato sa iba’t ibang bansa sa Asia-Pacific Region, kabilang ang Pilipinas.
Ayon sa PDEA, kontrolado ng nasabing grupo ang 70 porsyentong demand ng droga sa merkado sa Pasipiko kung saan hindi aniya bababa sa $17 bilyon ang kita kada taon ng nabanggit na sindikato.
Bukod sa shabu, pasok din sa mga kontrabandong ip[inupuslit ng Sam Gor group ang heroin, ketamine, iba pang synthetic drugs at precursor chemicals.
“Based on the packaging of shabu packs recovered in Philippine shores, they were contained in tea bags with Chinese markings — a signature trademark associated with Sam Gor,” paliwanag ng PDEA chief.
“Sam Gor gained notoriety by engaging in all sorts of unconventional methods of drug smuggling, including the use of the high seas. They dump their illicit goods to be retrieved later by contact local cohorts. It’s a good thing that our hero fishermen got there first before the drugs fell into the wrong hands,” dagdag pa niya.
Sa pagtataya ng PDEA nasa 1,038 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱7.05 bilyon ang isinuko ng mga mangingisda sa mga awtoridad noong Hunyo 9. Ito na rin aniya ang pinakamalaking nasabat na droga sa mga nakalipas na taon.
Ang mga sako ng shabu ay nalambat sa coastal areas ng Dacap Sur, Bani; Boboy at Macaboboni, Agno; at Luciente I, Balingasay, Concordia at Poblacion, Bolinao—lahat ay matatagpuan sa lalawigan ng Pangasinan at Barangay Montanas at Dili, Sta Cruz, Ilocos Sur.