HINDI limitado sa flood control projects ang katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon kay Senador Bam Aquino matapos mabuking ng kanyang tanggapan ang malawakang korapsyon maging sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Ayon kay Aquino, na tumatayong chairman ng Senate committee on basic education, di hamak na mas mura ang ginastos ng Angat Buhay Foundation sa mga pinagawang silid-aralan sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Bakit magkaibang-magkaiba ang presyo? Paki-explain nga sa amin at sa taumbayan bakit magkaiba ang presyo ng classroom sa gobyerno at classroom pagdating sa private sector at local government units,” wika ni Aquino sa isang panayam sa programang “Head Start.”
Ibinunyag ng senador na humigit-kumulang P2.5 milyon ang gastos ng DPWH sa bawat classroom habang ang ilang non-government organizations ay nakakagawa ng classroom sa halagang P1 milyon o mas mababa pa.
“Para gumawa ng isang classroom sa DPWH, sa kuwento sa akin ng mga mayor, P2.5 million yung presyo. Pero bakit ang Angat Buhay ni Ma’am Leni (Robredo), Hope Foundation, at Chinese Chamber, they can do it for a little more than a million or less than a million pesos,” punto ni Aquino.
Pagtitiyak ni Aquino, maglulunsad ng pagdinig ang Senate Committee on Basic Education sa susunod na linggo para talakayin ang kakulangan sa mga silid-aralan, kung saan inaasahan magbibigay-linaw ang mga opisyal ng gobyerno hinggil sa nabistong diperensya sa presyo ng paggawa ng classroom.
“Once we’re able to determine what the right price is, then we can talk about how to increase the funds. Paano palalakihin iyong pondo at paano sabay-sabay tayong gagawa ng classroom para sa kabataan,” wika ni Aquino.
“If we’re able to bring the price down, madodoble natin iyong number of classrooms,” giit pa niya.
Bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na maresolba ang 165,000 classroom backlog, inihain ni Aquino ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act na layong magbigay ng karagdagang suporta sa mga inisyatibo ng pamahalaan kapag naisabatas.
Layon ng panukala pasimulan ang kooperasyon sa hanay ng mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at Department of Education (DepEd) DepEd sa pagtatayo ng mga karagdagang silid-aralan — ayon sa pamantayan at may suporta mula sa national government. (ESTONG REYES)
